Sa kabila ng mga hamon dulot ng pagputok ng Bulkang Kanlaon, pormal na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Canlaon City, Negros Oriental, ang turnover ng mahigit PHP12 milyong halaga ng mga imprastraktura sa Barangay Linothangan at Barangay Bucalan.
Ayon kay Edna Lhou Masicampo, tagapagsalita ng lungsod, natapos ang mga proyekto noong nakaraang taon, ngunit naantala ang turnover bunsod ng pagsabog ng bulkan noong Disyembre 9.
“These projects were at different stages of completion before the eruption,” ani Masicampo.
Nakakuha ang Barangay Linothangan ng 17 proyekto na may kabuuang halaga na PHP6 milyon. Kabilang dito ang pagpapabuti ng livestock auction market, paglalagay ng solar lighting sa covered court ng barangay hall, pagtatayo ng mga waiting shed at pathways, rehabilitasyon ng daycare center, pagtatayo ng materials recovery facility, at pagpapatayo ng isang water system.
Naglaan din ng pondo para sa pagpapaganda ng basketball court, multipurpose pavement, at canal concreting.
Samantala, nakatanggap ang Barangay Bucalan ng siyam na proyekto na nagkakahalaga ng PHP6.8 milyon. Kabilang dito ang pagtatayo ng waiting sheds, pathways, at solar-powered streetlights, pati na rin ang concreting ng pangunahing mga daan at pagpapabuti ng covered court.
Ang buong proyekto ay pinondohan ng lokal na pamahalaan.
Source: PNA