Monday, January 13, 2025

HomeNewsNGCP, target na palitan ang natitirang 55 Wooden Poles sa Tacloban at...

NGCP, target na palitan ang natitirang 55 Wooden Poles sa Tacloban at karatig na bayan ngayong taon

Layunin ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na matapos ang pagpapalit ng natitirang 55 wooden poles sa lungsod ng Tacloban at karatig-bayan ngayong taon upang mapahusay ang pagiging maaasahan ng transmisyon ng kuryente.

Ayon kay Ricardo Lozano, district manager ng NGCP para sa mga lalawigan ng Leyte at Samar, dapat sana’y natapos ang proyekto noong 2024, subalit naudlot ito dahil sa kahilingan ng ilang negosyante na ipagpaliban ito.

“Kailangan namin ang kooperasyon ng mga konsyumer ng kuryente dahil kinakailangang magpatupad ng power interruption nang ilang oras, na apektado ang lungsod at mga karatig-bayan na sakop ng Leyte 2 Electric Cooperative (Leyeco 2),” ani Lozano sa isang press briefing noong Biyernes ika-10 ng Enero 2024.

Para sa pagpapalit ng sampung wooden poles, kailangang magpatay ng kuryente sa loob ng 12 oras. Karaniwang isinasagawa ang mga power interruption tuwing Sabado at Linggo.

Ang Babatngon-Arado 69 kilovolt (kV) transmission line ng NGCP ang nagsusuplay ng kuryente sa Tacloban, ang regional capital na kinaroroonan ng malalaking negosyo. Sineserbisyuhan din nito ang mga bayan ng Palo at Babatngon sa Leyte na may kabuuang mahigit 90,000 konsyumer ng kuryente.

Dagdag ni Lozano, kabilang ang Leyte sa mga prayoridad na lugar para sa upgrading ng transmission line dahil sa pagiging bulnerable nito sa malalakas na bagyo.

Ang mga bagong overhead transmission line ay dinisenyo upang kayanin ang hanging may bilis na hanggang 300 kilometro kada oras, upang masiguro ang maaasahang serbisyo ng kuryente kahit pagkatapos ng mapaminsalang kalamidad.

Ginagamit ang mga wooden pole sa pagpapadala ng kuryenteng may boltahe na hanggang 69 kV. Gayunpaman, luma na ang mga poste at hindi na maaasahan dahil itinayo pa ang mga ito noong hindi pa pribado ang transmisyon ng kuryente, sa panahon ng state-owned National Power Corporation.

Nagsagawa ng press briefing ang NGCP at Leyeco 2 upang ipaliwanag ang 10-oras na power interruption na nakaapekto sa Tacloban at dalawang bayan noong pagsalubong sa Bagong Taon.

Naganap ang blackout bandang 10:11 ng gabi noong Disyembre 31, 2024, at naibalik ang kuryente bandang 7:45 ng umaga noong Enero 1, 2025.

Ayon sa NGCP, sanhi ng malawakang outage ang naputol na conductor na nasa dalawang metro ang layo mula sa insulator sa Barangay Diit, Tacloban City, sa kahabaan ng Babatngon-Arado 69kV line.

Panulat ni Cami
Source: PNA

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
157SubscribersSubscribe