Idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency – Region 7 (PDEA-7) na drug-cleared ang 39 barangay sa Central Visayas matapos ang masusing deliberasyon.
Ayon kay Alex Tablate, Director ng PDEA-7, ang Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROCBDC) na kanyang pinamumunuan ang nagkaloob ng status na ito matapos pumasa ang mga barangay sa mga itinakdang pamantayan.
Sa kabuuan, 27 barangay mula Cebu, siyam mula Bohol, isa mula Cebu City, at dalawa mula Lapu-Lapu City ang idineklarang drug-cleared.
“For a barangay to be declared as drug-cleared, a critical requirement is that all individuals validated to be involved in illegal drug activities in the community must have been accounted for and that intervention programs, such as the community-based drug rehab programs for persons who used drugs, were efficiently and effectively implemented,” ani Tablate.
Dagdag pa niya, kinakailangan ding aktibo at gumagana ang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) upang makamit ang drug-clear status.
Samantala, sa Siquijor, 12 komunidad ang idineklarang drug-cleared at dalawa ang drug-free.
Ang deliberasyon ay pinangunahan ni Tablate, kung saan online na dumalo ang mga barangay chairperson at miyembro ng kanilang BADAC. Sumama rin ang mga mayor ng mga aplikanteng barangay upang saksihan ang proseso.
Kabilang din sa ROCBDC ang vice chair na si Celerino Magto Jr., hepe ng Local Government Monitoring and Evaluation Division ng Department of Interior and Local Government-7, at mga kinatawan mula sa Police Regional Office-7, Department of Health-7, at PDEA-7.
Source: PNA