Nahuli ang isang lider ng komunistang teroristang grupo sa isinagawang focused military operation ng 52nd Infantry Battalion sa Brgy. Malidong, Gamay, Northern Samar nito lamang Nobyembre 18, 2024.
Nakilala ang naaresto bilang si alyas Ahon, Vice Squad Leader ng Regional Guerrilla Unit (RGU) sa ilalim ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).
Nahuli siya sa pamamagitan ng operasyon na isinagawa matapos ang engkwentro sa lugar noong Nobyembre 12. Patuloy na ini-report ng mga residente sa lugar ang presensya ng armadong grupo na nagsasagawa ng extortion at nagdudulot ng takot.
Sa magkaibang operasyon, nakasagupa ng mga kasundalohan ng 20th Infantry Battalion ang 10 miyembro ng NPA habang nagsasagawa ng operasyon sa Barangay C.M. Recto, Catubig, Northern Samar. Ang engkwentro ay nagresulta sa pagkumpiska ng 3 high-powered firearms, mga bala, at iba pang kagamitan.
Sa mensahe ni Major General Adonis Ariel Orio, Commander ng 8th Infantry Division, binigyang-pugay niya ang kasundalohan sa matagumpay na operasyon.
“Ang impormasyong ibinibigay ng mga tao sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ay may malaking papel sa tagumpay ng bawat operasyon ng militar. Magpapatuloy kami sa aming mandato na wakasan ang mga kalupitan at kriminal na gawain ng mga grupong ito. Tinitiyak ko sa inyo na tutulungan namin sila hanggang sa kanilang tuluyang pagkatalo,” wika ni Maj. Gen. Orio.
Patuloy din niyang hinihikayat ang mga natitirang miyembro ng grupo na gamitin na ang Amnesty program ng gobyerno at iba pang mga programa na makakatulong sa kanila na magbago.
Panulat ni Cami