Sinimulan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Negros Oriental ang pagmo-monitor ng presyo ng mga produktong pang-Noche Buena sa mga pamilihan habang papalapit na ang kapaskuhan.
Sinabi ni Krystle Jade Bato, tagapagsalita ng DTI-Negros Oriental, na nagsimula ang price monitoring noong nakaraang buwan at sakop nito ang pitong pangunahing tindahan sa Lungsod ng Dumaguete.
“Our price monitoring team is undertaking a weekly price monitoring in these establishments following the receipt of a price guide from the DTI main office,” paliwanag ni Bato.
Kasama sa pagmo-monitor ang mga supermarket tulad ng Robinsons Mall, Lee Super Plaza, Cang’s Inc., at City Mall, at iba pa.
Ang mga produktong nasa Noche Buena price guide ay kinabibilangan ng mga pangunahing pagkain tulad ng hamon, fruit cocktail, mayonnaise, pasta, queso de bola, sandwich spread, spaghetti sauce, tomato sauce, at iba pang sangkap para sa tradisyonal na Noche Buena.
Ayon kay Bato, ang unang pagmo-monitor ay nagpakita ng bahagyang pagtaas ng presyo ngunit minimal lamang. Wala rin umanong ulat ng hoarding o kakulangan sa mga suplay ng mga produktong ito sa mga pamilihan.
Samantala, nagpaalala rin ang DTI sa publiko na tiyaking ang mga Christmas lights na bibilhin ay sumusunod sa itinakdang mga pamantayan sa kalidad at kaligtasan, tulad ng pagkakaroon ng PS at ICC marks, dahil ang mga walang marka ay sub-standard at maaaring maging sanhi ng sunog.
Sinabi ni Bato na magsisimula silang mag-monitor ng Christmas lights at mga kaugnay na produkto sa susunod na linggo.
Source: PNA