Nalambat ng kapulisan ng Bogo City ang baril at P38K halaga ng hinihinalang shabu mula sa dalawang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Gairan, Bogo City, Cebu, noong ika-5 ng Nobyembre 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Leo T Logroño, Officer-in-charge ng Bogo City Police Station, Cebu Police Provincial Office, ang mga suspek na sina “Jaylord”, na residente ng Brgy Libertad, Bogo City, Cebu at “Jersen” na residente ng Purok Lupit, Brgy Nailon, Bogo City, Cebu.
Batay sa ulat ng pulisya, nahuli umano sa akto na nagbebenta ang mga suspek matapos magpanggap ang operatiba na poseur buyer. Sinubukan umanong manlaban ng suspek na si “Jersen” ngunit agad itong naagapan ng operatiba at naaresto.
Narekober mula sa mga suspek ang 13 plastic sachets ng hinihinalang shabu na may timbang na 5.72 gramo at standard drug price na Php 38, 896.00, buy-bust money, isang unit ng caliber .45 pistol, isang magazine, apat na bala at iba pang drug paraphernalia.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bogo CPS ang mga suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patunay lamang na patuloy ang pagsuporta ng Bogo City PNP sa kasalukuyang administrasyon na labanan ang paglaganap ng ipagbabawal na gamot tungo sa mas mapayapang Bagong Pilipinas.
SOURCE: Bogo CPS SR