Tatlong learning sites para sa pagsasaka ng niyog ang naitatag sa Central Visayas upang turuan ang mga magsasaka tungkol sa inobasyon at teknolohiyang magpapataas ng produksyon at kalakalan.
Ayon kay Merrian Soliva, Chief ng Agricultural Training Institute (ATI) sa Central Visayas, sertipikado ang tatlong Learning Sites for Agriculture (LSA) na nakatuon sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga magsasaka ng niyog.
Ang mga LSA na ito ay konektado sa Lamac Multi-Purpose Cooperative-Cocohub sa Tuburan, Cebu, Romero Agricultural Farm sa Loay, Bohol, at Tan-awing Perma Farms sa Carmen, Bohol.
Limang iba pang lugar ang naghahangad ng Coco-LSA accreditation, kabilang ang isa sa Zamboanguita, Negros Oriental, tatlo sa mga bayan ng Duero, Buenavista, at Dimiao sa Bohol, at isa sa Sibonga, Cebu.
Ibinahagi ni Soliva na ang ATI ang nag-oorganisa ng mga pagsasanay, information caravans, technology forums, at mga agri fairs. Ang ATI rin ang nagsasertipika ng mga bukirin bilang LSA at nagbibigay ng mga grant sa accredited extension service providers.
Ang mga Coco-LSA na ito ay bahagi ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) ng Philippine Coconut Authority, katuwang ang ATI, upang magbigay ng pagsasanay gamit ang mga materyales pang-impormasyon, edukasyon, at komunikasyon.
Noong 2022, pumangalawa ang Pilipinas sa Indonesia sa produksyon ng niyog, na may 14.93 milyong metric tons, samantalang 17.19 milyong metric tons naman ang naprodyus ng Indonesia.
Source: PNA