Saturday, November 23, 2024

HomeHealthAntique nag-ulat ng 404 na kaso ng Dengue, isa ang naitalang namatay

Antique nag-ulat ng 404 na kaso ng Dengue, isa ang naitalang namatay

Naglabas ng datos ang probinsya ng Antique hinggil sa kaso ng dengue sa kanilang lugar, diumano’y mula Enero 1 hanggang Hulyo 6 ngayong taon, nakapagtala na ito ng 404 na kaso ng dengue na may isang pagkamatay, ito ay ayon sa Provincial Integrated Disease Surveillance and Response Unit ng Provincial Health Office (PHO).

Ayon sa datos ng PHO, lahat ng 18 bayan sa probinsya ng Antique ay nakapagtala ng kaso ng dengue ngayong taon, kung saan may pinakamataas na kaso ang mga bayan ng Sibalom, Caluya at Tibiao na may 70, 67, at 59 na kaso ng dengue, ayon sa pagkakasunod.

Ang natitirang 15 na bayan at ang kani-kanilang kaso ay ang mga sumusunod: Anini-y (7), Barbaza (14), Belison (4 na kaso na may isang pagkamatay), Bugasong (10), Culasi (54), Hamtic (8), Laua-an (9), Libertad (2), Pandan (17), Patnongon (6), San Jose (29), San Remigio (4), Sebaste (20), Tobias Fornier (15), at Valderrama (8).

Ang dengue ay isang viral infection na dala ng lamok na may sintomas na parang malubhang trangkaso at maaaring mauwi sa pagkamatay.

Kabilang sa mga sintomas ang mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, pagduduwal o patuloy na pagsusuka, pananakit ng kalamnan at kasukasuan, namamagang glandula, pananakit sa likod ng mga mata, at pamumula o pamamantsa sa balat.

Hinihikayat ng pamahalaang panlalawigan ng Antique ang lahat ng barangay sa lalawigan na magsagawa ng Barangay at Kalinisan Day (BarKaDa) ng hindi bababa sa isang beses sa isang linggo upang maalis ang mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok.

Ang BarKaDa ay ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government sa ilalim ng Memorandum Circular Number 2023-133.

Nananawagan ang pamahalaan na palaging tandaan na ang kaligtasan at kalinisan ng ating kapaligiran ay pangunahing hakbang upang maiwasan ang sakit at mapanatili ang kalusugan ng lahat tungo sa mas malinis at mapayapang bagong pilipinas.

Source:Panay News

Panulat ni Justine 

RELATED ARTICLES

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
155SubscribersSubscribe