Binigyan ng trabaho ng provincial government ng Northern Samar ang mga dating rebelde sa lalawigan na nagbalik-loob sa gobyerno.
Ito ang inihayag ni Governor Edwin Ongchuan sa isinagawang Joint Regional Task Force 8 in Ending Local Communist Armed Conflict (JRTF8-ELCAC) Meeting at Peace and Development Dialogue sa Ibabao Hall sa provincial capitol building ng Northern Samar na dinaluhan ng Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos.
“Ang pagbibigay sa kanila ng trabaho sa bukid at kasama na rito ang libreng pabahay na handog ng pamahalaang panlalawigan.”
Ayon kay Gov. Ongchuan, ang tulong na ito sa mga dating rebelde ay isang paraan para makumbinsi ang mga hindi pa sumuko at magbalik sa gobyerno upang mamuhay sila ng normal kasama ang kanilang mga pamilya.
Bilang mga manggagawa sa bukid, ang mga dating rebelde ay tumanggap ng sahod na Php350.00 kada araw. Samantala, mayroong 50 dating miyembro ng sandatahang lakas na nagtatrabaho sa bukid na matatagpuan sa Kauswagan Village sa Barangay Cablagan sa bayan ng Mondragon.
Ang nais ng Pambansang Pulisya, lahat ay mamuhay sa Bagong Pilipinas na kung saan, lahat ay may karapatang mamuhay ng payapa at magtrabaho ng marangal.
Panulat ni Ummah