Sa loob ng unang tatlong buwan ng taong 2024, mahigit 4,000 indibidwal ang nakatanggap ng sertipiko ng pagtatapos mula sa Land Transportation Office 7 (LTO 7) para sa libreng Theoretical Driving Courses (TDCs) sa buong Central Visayas.
Ayon kay LTO-7 Regional Director Glen Galario, patuloy ang pakikipagtulungan ng kanilang ahensya sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa pagbibigay ng libreng TDC para sa mga residente. Ang mga lokal na pamahalaan na interesado sa libreng TDC ay maaaring makipag-ugnayan sa anumang opisina ng LTO sa rehiyon upang mag-schedule at mag-avail ng programa.
Masaya rin si Galario sa resulta ng unang quarter ng taon at umaasa na mas marami pang indibidwal ang makakatapos sa mga susunod na buwan.
Layunin ng kanilang LTO Chief na si Atty. Vigor Mendoza III na palakasin ang ePatrol Mobile Service ng ahensya na nagtatampok ng libreng TDC program.
Sa unang quarter ng taon, ilang mga lokal na pamahalaan sa Cebu ang nag-avail ng libreng serbisyo, kasama na ang Barangay Sohoton sa Badian, Barangay Dumlog sa Talisay City, at mga bayan ng Bantayan, Dumanjug, Aloguinsan, San Fernando, Liloan, at Boljoon. Nakakuha rin ng karamihan ng slots ng TDC ang mga residente ng Siquijor sa “Bagong Pilipinas Serbisyo Fair” noong Pebrero 2024.
Layunin ng programa na linangin ang mga indibidwal, lalo na ang mga mula sa malalayong lugar na gumagamit ng motorsiklo bilang paraan ng transportasyon, ngunit hindi pa nakakakuha ng lisensya sa pagmamaneho. Sa pamamagitan ng libreng programa, matututunan nila ang mga batayang kaalaman sa pagmamaneho at kaligtasan sa kalsada.
Nag-avail din ng libreng TDC ang mga bayan ng Pilar sa Cebu at Loboc sa Bohol para sa taong ito. Noong 2023, umabot sa 9,292 na sertipiko ang inisyu ng LTO 7 mula Enero hanggang Disyembre para sa parehong libreng programa.
Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, inaasahang lalawak ang kaalaman sa pagmamaneho at magiging ligtas ang mga kalsada para sa lahat ng motorista tungo sa mas maunlad na Bagong Pilipinas.
Source: https://www.facebook.com/share/p/sdhhBp7zHnTmhAih/?mibextid=WC7FNe