Pinalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga hakbang upang labanan ang child labor sa Central Visayas sa pamamagitan ng pagsisimula ng mga programang pangkabuhayan para sa mga magulang ng mga child worker.
Ayon kay Ms. Lilia Estillore, Regional Director ng DOLE-7, ang hakbang na ito ay tugma sa prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matigil na ang child labor ayon sa naipahayag sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Sa pahayag ng DOLE, umabot sa 200 na mga magulang at tagapag-alaga ng mga child worker sa anim na barangay sa mga lugar ng Talibon, Bohol ang kanilang tinulungan sa “Kabuhayan Para sa Magulang ng Batang Manggagawa,” isang programa na naglalayong magbigay ng sapat na kabuhayan bilang hakbang sa pagsugpo ng child labor.
“Ang isang protektado at mapagmalasakit na kapaligiran para sa mga bata ay dapat na ipalaganap sa lahat ng antas ng lipunan at institusyon tulad ng pamilya, paaralan, komunidad, at lugar ng trabaho”, ani Estillore sa isang pahayag noong Martes.
Bukod dito mas pinalakas din ng DOLE ang pagmomonitor sa mga child worker sa Negros Oriental, lalo na sa mga Barangay Bagtic sa Mabinay; Cabcaban sa Bindoy; Jantianon sa Amlan; at sa Maninihon at Villareal sa Bayawan City.
Sa Bohol, karamihan ng mga child worker ay nakilala sa Talibon, sa mga barangay ng San Jose, Santo Niño, Magsaysay, Poblacion, San Franciso, at San Pedro.
Sa Cebu City naman, ang Barangay Tisa ang kanilang binabantayan, kung saan nakakuha ng tulong ang 139 na mga magulang sa halagang Php3.5 milyon para sa mga kagamitan sa kanilang mga kabuhayan.
Noong 2022, nakapagtala ang DOLE-7 ng 15,778 na mga bata sa buong Central Visayas.
Ang hakbangin na ito ay nagpapakita ng patuloy na suporta at pagsisikap ng DOLE sa pagpigil at pagtanggal ng child labor sa bansa na hinahangad ng ating gobyerno para sa bagong Pilipinas.
Source: PNA