Borongan, Eastern Samar – Sinimulan na ng pamahalaang lungsod ng Borongan, Eastern Samar ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong Persons With Disabilities (PWDs) sa ilalim ng mandato ng bagong ordinansa ng lungsod.
Sinabi ng pamahalaang lungsod noong Huwebes na hindi bababa sa 1,313 na rehistradong PWD ang may karapatan na makatanggap ng cash aid ngayong taon.
Noong 2023, inaprubahan ng konseho ang City Ordinance No. 251, na nagbibigay daan para sa mga kwalipikadong PWD na makakuha ng buwanang cash allowance na Php250 o Php3,000 taon-taon at ipapamahagi ito sa tatlong tranches.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ang mga karapat-dapat na tumanggap ng tulong ay “mga PWD na hindi benepisyaryo ng anumang programa ng pamahalaang lungsod, walang regular na pinansiyal na suporta na ibinibigay ng mga miyembro ng pamilya o kamag-anak, at may limitadong kapasidad o kakayahan para sa trabaho dahil sa kanilang kapansanan”.
Pangunahing layunin ng monetary assistance na suportahan ang kanilang mga gastusin at bawasan ang kanilang pinansiyal na pasanin. Para makilala ang kanilang mga karapatan at upang mabigyan ng suporta ang kanilang pagpapabuti at kabuuang kagalingan. Layunin ng aktibidad na hikayatin ang kanilang pamilya, komunidad na muling pagtibayin at ilapat ang pinahahalagahang tradisyon ng mga Pilipino sa pangangalaga sa mga taong may iba’t ibang kakayahan.
Kasama sa mga dokumentong kinakailangan para maging karapat-dapat na makatanggap ng cash assistance ang valid PWD identification card, medical certificate mula sa city health physician, at voter’s registration.
Bukod sa tulong pinansyal, ang alkalde ng lungsod ay magbibigay ng supplemental food, groceries at medicine packs para sa mga benepisyaryo ng PWD kung may pundong magagamit.
Ang iba pang buwanang monetary allowance na ibinibigay ng pamahalaang lungsod ay tulong pinansyal sa lahat ng senior citizen na hindi social pensioners sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development at buwanang allowance para sa mga senior high school at college students.