May kabuuang 4,864 na sasakyan ang nahuli ng Land Transportation Office kasunod ng pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy ayon sa inilabas nilang pahayag nitong Disyembre 6, 2023.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza, “Inaasahan ko ang patuloy na agresibong operasyon sa pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy sa mga susunod na buwan hanggang sa muling marehistro ang 24.7 milyong sasakyang de-motor na tinatarget ng patakarang ito”.
Sa ulat na natanggap ni Mendoza, nakapagtala ang Region II o Cagayan Valley Region ng pinakamataas na bilang ng mga sasakyang nahuli na nasa 657 na sinundan ito ng Region 8 o Eastern Visayas na may 531 at ang Region IV-B na may 514.
“So we appeal again to all delinquent motor vehicles to voluntarily renew the registration of their motor vehicles. Huwag na ninyong dagdagan ang inyong problema dahil kapag nahuli kayo, mas malaking halaga ng pera ang babayaran ninyo,” dagdag ni Mendoza.