Hindi pa nakakaupo matapos manalo noong nakaraang halalan ang isang Brgy. Chairwoman ang namatay at dalawang iba pa ang sugatan sa nangyaring aksidente sa sa harap ng Sea Oil Bagacay sa Bagacay-Maharlika Highway, Brgy. 93, Tacloban City, gabi ng Nobyembre 10, 2023.
Kinilala ang biktima na si Niña Danica Bayona, 28 taong gulang at bagong halal na Brgy. Chairwoman ng Brgy. Sampaguita, Dagami, Leyte. Samantala, nakilala naman ang dalawa pang sugatan na sina PCpl Leomer Bayona, 30 taong gulang, miyembro ng PNP na nakatalaga sa Mobile Patrol Unit, residente ng parehong lugar at si Joven Navarro Sumagdon, 34 taong gulang at residente ng GMA, 106, Ang Sto. Niño, Tacloban City.
Sa ulat ng mga awtoridad, nabangga ang motorsiklong sinasakyan ni PCpl Bayona at Niña Bayona ng isang sidecar kung saan sakay naman nito si Joven Sumagdon.
Kinilala ang driver ng sidecar na si Bernie Gacoscosim, 32 anyos, residente ng Brgy. 106, Tacloban City, isang negosyante at wala namang naipakitang driver’s license.
Dinala naman agad sa Eastern Visayas Medical Center ang sugatang PCpl Leomer Bayona at Joven Sumagdon para sa medikal na atensyon habang binawian naman agad ng buhay si Niña Bayona.
Nasa kustodiya na ngayon ng PS2, TCPO ang suspek para harapin ang kaukulang kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Serious Physical Injury.