Calbayog City- Dead-on-the Spot ang isang lalaki matapos itong barilin ng mga hindi pa nakilalang salarin nitong Sabado, Oktubre 14, 2023 sa Maharlika Highway ng Purok 4, Barangay Capoocan, Calbayog City.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Reden Escorido, residente ng Sitio Caballero, Purok 7 Brgy. Rawis, Calbayog City.
Ayon sa imbestigasyon, galing umano sa inuman ang biktima sa isang resto bar kasama ang isang kaibigan nito kung saan pagkaraan nito’y nasangkot umano ito sa mainit na bangayan sa isang kustomer sa nasabing lugar.
Matapos magkaayos at magpasyang lumabas ang biktima kasama ang mga kaibigan nito nang bigla na lamang umano sumulpot ang mga hindi nakilalang suspek at pinagbabaril sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan ang nasabing biktima.
Dead-on-the spot ang biktima habang agad namang tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo patungo sa hindi malamang direksyon.
Agad na iprinoseso ng Calbayog City Police Forensic Unit ang crime scene habang ikinasa naman ang imbestigasyon sa naturang krimen.
Sa ngayon ay umakyat na sa siyam ang naitatalang pamamaril at pagpatay sa lalawigan ng Samar ngayong BSKE 2023 Election period.