Natapos na ng pamahalaang panlalawigan ng Northern Samar ang pagtatayo ng Php7.35 milyon na tatlong palapag na evacuation center sa bayan ng Lavezares na magbibigay ng ligtas na tirahan para sa 1,000 pamilya sa panahon ng kalamidad at emerhensiya.
Ang istraktura sa Brgy San Agustin sa Lavezares ay opisyal na natapos noong Lunes, Setyembre 11, 2023 na magsisilbing tutugon sa mga pangangailangan ng mga evacuees.
“The building is designed to provide immediate and temporary shelter to evacuated or displaced residents during calamities or disasters. This project is part of the disaster preparedness, risk reduction, and resiliency efforts of the local government,” ayon sa Provincial Government.
Sinimulan ng lokal na pamahalaan ang proyekto noong Marso bilang bahagi ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) initiatives.
Noong unang bahagi ng taong ito, nagtayo ang pamahalaang panlalawigan ng mga bagong evacuation center sa Brgy Caragas sa bayan ng Lavezares, Sta. Claras sa bayan ng Bobon, Brgy Bantayan sa San Roque, Brgy Langob sa Laoang, at sa Catubig, Northern Samar.
Ang Northern Samar ay isa sa dalawang probinsya sa Eastern Visayas na pinagkalooban ng 2022 Gawad Kalasag Seal of Excellence sa DRRM dahil sa pagiging “beyond compliant.”
Ito ang pinakamataas na pagkilala na ibinigay ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga Local Government Units upang ipagdiwang ang pinakamahusay na gawi ng mga stakeholder sa DRRM.
Noong nakaraang taon, ang pamahalaang panlalawigan ay nakipagtulungan din sa United Nations Development Programme para palakasin ang mga institusyon at bigyang kapangyarihan ang mga lokalidad laban sa mga sakuna at sa pagbabago ng klima na idinisenyo upang bumuo ng institutional at community resilience sa klima at natural calamities, upang gawing mas ligtas at mas matatag ang mga tao sa mga komunidad sa epekto ng mga natural na kalamidad at pagbabago ng klima.