Masayang ibinahagi ni Samar 2nd District Rep. Reynolds Michael Tan na isinalang na sa Mababang Kapulungan partikular sa House Committee on Higher and Technical Education ang kanyang panukalang batas na naglalayong magbukas ng Kolehiyo para sa Kursong Medisina sa Samar State University nitong Mayo 16, 2023.
Sa pangunguna ni Committee Chairperson Rep. Mark O. Go ng Lone District Baguio City, dumalo si Cong. Tan via virtual bilang pangunahing may akda ng House Bill No. 6008 o “An Act Establishing a College of Medicine in Samar State University in the City of Catbalogan, Province of Samar, to be known as the Samar Island Institute of Medicine, and Appropriating Funds Therefor.”
Hangad ng Kongresista na mailusot ito sa Kamara sa lalong madaling panahon upang magkaroon ng tamang pasilidad at upang mabigyan ng mahusay na oportunidad ang bawat Samareño na nais kumuha ng kursong medisina.
Noong July 19, 2022, nang isinagawa ang pagpupulong sa pangunguna ni Samar Governor Sharee Ann Tan katuwang ang mga kinatawan mula sa Samar Provincial Hospital at Calbayog District Hospital kay Samar State University President Marilyn Cardoso, kung saan masinsinang tinalakay dito ang mga nais iambag ng Pamahalaang Panlalawigan para sa Samar Island Institute of Medicine (SIIM).
Nagpahayag naman ng suporta ang Pamahalaang Panlalawigan ng Samar na magiging katuwang sila sa pangarap ng mga ‘future Samarnon medical professionals’ para maisakatuparan ito sa lalong madaling panahon.