Sinabi ng Philippine Air Force (PAF) nitong Sabado na walang sira ang Lockheed C-130 “Hercules” cargo aircraft matapos sumadsad ang kaliwang landing gear nito sa putik sa Catarman Airport sa Samar.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo na ang crew ng C-130 aircraft, na may tail number 5011, ay nagsagawa ng precautionary measures upang ligtas na mailabas sa putik ang kaliwang landing gear nang walang anumang pinsala.
Ang sasakyang panghimpapawid ay lumapag sa Mactan, Cebu bandang alas-6:24 ng gabi at walang nasaktang crew o pasahero.
“Habang nagmamaniobra para sa pagtake-off sa threshold ng Catarman Samar Airport, hindi sinasadyang nakuha ang kaliwang landing gear nito (gulong) na na-stuck sa putik sa gilid ng runway. Umuulan noon sa lugar na naging sanhi ng paglambot ng isang bahagi ng madamong lupa,” sabi ni Castillo.
Ang mga C-130 ay ang pangunahing tagapaghatid ng kargamento ng Air Force at malawakang ginagamit sa transportasyon ng tropa, resupply, humanitarian assistance at disaster relief missions.