Hindi makapaniwala si Sidrey Mel Aldeguer Flores, mula sa Colegio de San Agustin – Bacolod, matapos itong maiulat na nanguna sa March 2023 Medical Technologists Licensure Examination na inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC).
Si Flores ay nakakuha ng rating na 92.10 percent sa katatapos lamang na Medical Technology Board Examination. Nasa kabuuang 4,714 examinee naman ang pumasa sa nasabing licensure examination na isinagawa sa NCR, Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legazpi, Lucena, Pagadian, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao at Zamboanga.
Samantala pumapangalawa naman sa nasabing board exam ang dalawang estudyante mula sa Velez College sa Cebu na sina Nijell Tiu Potencioso at Khelly Mae Binondo Villarin na nakakuha ng 91.90%.
Top 3 naman ang isa pang Cebuano na si Lhorence Granada Sucano mula sa University of Cebu-Banilad Campus na nakakuha ng 91.80.
Nakuha naman ng Velez College at Cebu Doctors University ang top performing school sa nasabing PRC licensure examination kung saan nakakuha ang dalawang paaralan ng 100% passing rate.