Bacolod City- Naging mapayapa at walang naitalang insidente ng krimen ang selebrasyon ng isa sa pinakamakulay na festivities sa bansa, ang Masskara Festival sa Bacolod City mula Oktubre 1 hanggang Oktubre 23, 2022.
Ayon sa Bacolod City Police Office (BCPO), wala silang naitalang kaso o insidente ng krimen sa lungsod mula nang magsimula ang selebrasyon hanggang matapos ito nito lamang linggo.
Nagkaroon naman ng maikling seremonya para sa pagtatapos ng augmentation ng mga kapulisan sa lungsod na dinaluhan mismo ni Police Brigadier Gen. Leo Francisco, Regional Director ng Police Regional Office-6 na ginanap sa BCPO Headquarters sa Barangay Taculing.
Pinasalamatan naman ni PBGen Francisco si Bacolod City Mayor Alfredo “Albee” Benitez kasama ang iba pang mga lokal na opisyal sa buong suporta na ibinigay nito sa Bacolod City Police Office at sa Pambansang Pulisya sa pagpapanatili nito ng kaayusan at kapayapaan sa buong lungsod para sa matiwasay na selebrsayon ng Masskara Festival 2022.
Pinasalamatan din niya ang Philippine Army, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Negros Occidental Police Provincial Office, Philippine Drug Enforcement Agency, at ng iba’t ibang mga force multiplier sa pagbibigay ng assistance upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga dumalo sa nasabing selebrasyon.