Iloilo City- Tinatayang magiging benepisyaryo ang halos 700 pamilya sa isinagawa na dalawang paunang medium-rise building na ipinapatayo ng Iloilo City Uswag Residential Complex sa Barangay San Isidro, Jaro district para sa mga pamilyang kabilang sa informal settler families o ISF.
Ang proyekto ay sinimulan nitong Biyernes, Setyembre 30, sa pamamagitan ng isang Groundbreaking Ceremony, sa ilalim ng “Pambansang Pabahay Para sa Pilipino: Zero ISF Program for 2028” ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Iloilo at sa iba’t ibang pribadong sektor.
Sa mensahe ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, sinabi niya na prayoridad ang naturang proyekto ni President Ferdinand Marcos Jr. upang mabigyan ng hindi kamahalang pabahay ang mga Pilipino lalo na ang mga indigent nating kababayan.
Ang pondo ng nasabing proyekto ay manggagaling sa Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG) habang manggagaling naman sa Lokal na pamahalaan ang mga lugar kung saan itatayo ang pabahay at ang developer ay magmumula naman sa pribadong sektor.
Tiniyak naman ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas, na handa ang Lokal na pamahalaan ng Iloilo na makipagtulungan sa DHSUD para sa nasabing proyekto.
Aniya: “Hopefully this partnership of the city together with DHSUD will come true if you are ready to do so. We are going to start with these initial two buildings. I am very happy that you are here this afternoon to start already the groundbreaking of these buildings.”
Dagdag pa ni Mayor Treñas na nakapagbigay na rin siya ng direktiba sa lloilo City Urban Poor Affairs Office (ICUPAO) upang magsimula ng magkalap ng mga datos sa mga pamilyang nakatira sa mga danger zones, lalo na sa Jaro, Batiano Rivers, at sa San Pedro.
Ang Lokal na pamahalaan ang siyang pipili sa mga magiging benepisyaryo sapagkat sila ang naatasang mangasiwa sakaling matapos ang nabanggit na proyekto.