Hindi bababa sa mahigit isang milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency Central Visayas sa mga suspek na naaresto sa buy-bust operation na ikinasa sa Barangay Basak Pardo, Cebu City nitong Agosto 19, 2022.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga naaresto na sina Eliazar Mook alyas “Elel”, 36, residente ng Barangay Poblacion, Borbon, Cebu, kabilang sa High Value Individual ng naturang lungsod at si Maprecilla Yamit, 37, residente ng Barangay Kinasang-an, Cebu City.
Nakuha sa naturang operasyon ang tinatayang nasa 150 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na Php1,020,000.00, drug paraphernalia, at buy bust money.
Agad namang isinumite ng mga awtoridad ang mga nakumpiskang ebidensya sa PNP Forensic Unit para sa pagsusuri.
Kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Article II ng RA 9165 ang isasampa laban sa mga suspek.