Tiniyak ng Department of Education (DepEd) ang agarang tulong sa isang paaralan sa Hindang, Leyte na nasunog isang linggo bago ang pagbubukas ng klase.
Ayon kay Karen Barril, DepEd Leyte Division Office Information Officer, isang team mula sa DepEd Leyte Division Office ang ipinadala sa bayan ng Hindang upang tignan ang lawak ng pinsalang dulot ng sunog sa loob ng campus ng Hindang National High School dakong 8:30 ng umaga noong Linggo, Agosto 14, 2022.
“Nalulungkot kami sa pangyayaring ito lalo na’t pinaghahandaan namin ang pagbubukas ng bagong taon ng pasukan. Nandiyan ang aming team upang suriin ang paaralan at tingnan kung anong mga interventions ang kailangan upang matiyak na magpapatuloy ang pagbubukas ng mga klase sa susunod na linggo,” sabi ni Barril sa isang panayam sa telepono.
Ayon naman kay Mr. Aldrin Mones Montaña, isang guro sa paaralan, kabilang sa mga pasilidad na naabo ng dalawang oras na sunog ay ang library ng paaralan, Computer Laboratory, Information and Communications Technology Coordinator Office, Physical Facilities Coordinator Office, at Science Laboratory.
Ang iba pang pasilidad na nadamay sa sunog ay ang Guidance Counselor Office, Canteen, Disaster and Risk Reduction Management Office, Technology and Livelihood Education Classroom, School-based Management Coordinator Office, at Parents and Teachers Association Office.
“I was upset and heartbroken especially that the opening of classes is already near. Nakakadismaya talaga na nasayang ang ating paghahanda,” sabi ni Montaña.
Ang Hindang National High School ay ang pinakamalaking Secondary school sa bayan ng Hindang. Ito ay mayroong 838 students na naka-enrol sa junior high school.
Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang halaga ng pinsala sa naturang insidente.