Eastern Samar – Dalawampong porsiyento pa lamang ng mahigit 3.3 milyong residente sa Eastern Visayas na nagparehistro para sa Philippine Identification System (PhilSys) ang nakatanggap ng kanilang printed identification (ID) card, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules, Agosto 10, 2022.
Ang pagkaantala sa paghahatid ng mga ID card ay maaaring maiugnay sa limitadong produksyon ng mga pisikal na ID card sa Maynila, ayon kay PSA Eastern Visayas Regional Director Wilma Perante.
Sa 3,387,864 na residenteng nakatapos sa proseso ng pagpaparehistro ng PhilSys, 669,149 lamang o 20 porsiyento sa kanila ang nakatanggap ng kanilang naka-print na ID card.
“Sinisigurado namin na agad naming ihahatid sa mga intended recipient ang lahat ng card na natanggap ng rehiyon,” dagdag ni Perante.
Ang rehiyon ay may 4,032,967 na populasyon na may edad na limang taong gulang pataas. 84 porsiyento ng target na populasyon ng rehiyon ang nakakumpleto ng dalawang hakbang na proseso ng pagpaparehistro.
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas mabilis na pamamahagi ng mga National ID sa ilalim ng PhilSys upang magamit ito ng mga Pilipino sa 2023.
Kamakailan, sinabi ng PSA na maglalabas sila ng tatlong uri ng pisikal na National Identification Card – in print, downloadable, and mobile formats.Tinitingnan ng PSA ang paghahatid ng 30 milyong Physical Card sa buong bansa at ang pagtatatag ng 20 milyong Digital National IDs ngayong taon.
Plano din nitong i-pilot test ang napi-print na bersyon ng mga digital cad sa Oktubre at ilulunsad ang mobile version sa pagtatapos ng taon.
Nilagdaan bilang batas ng noo’y pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2018, ang Republic Act 11055, o ang PhilSys Act, na naglalayong magtatag ng isang National ID para sa lahat ng Pilipino at mga residenteng dayuhan.
Ang National ID ay magiging isang wastong patunay ng pagkakakilanlan na magiging isang paraan sa mga public at pribadong transaksyon, pagpapatala sa mga paaralan, at pagbubukas ng mga bank account.