Isang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Eastern Samar ang nakatanggap ng Php676,000 cash assistance dahil sa pagbigay ng walong baril sa gobyerno noong nakaraang taon.
Pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Eastern Samar at Philippine Army 78th Infantry Battalion ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa nasabing formel rebel bilang bahagi sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na iginawad nitong Huwebes, Agosto 4, 2022.
Sinabi ni Lieutenant Colonel Allan Tria, Commander ng 78th Infantry Battalion ng Army, na ang dating rebelde na kinilalang si alyas “Ega” ng General MacArthur, Eastern Samar ay binigyan ng gantimpala sa pag-turn over ng anim na M16 rifles at dalawang M14 rifles.
“Siya ay boluntaryong sumuko noong Hunyo 20, 2021, kasama ang ilang mga baril, ngunit natagalan ang pagbibigay ng tulong na pera dahil kailangan nating dumaan sa proseso ng pag-check sa mga baril, kasama ang kanilang mga kondisyon,” sabi ni Lt Col Tria sa isang panayam.
Si alyas “Ega” ay isang Assistant Squad leader ng NPA sa Eastern Samar bago sumuko sa militar.
Nakatanggap ang dating rebelde ng humigit-kumulang PHP825,646 mula sa gobyerno mula nang sumuko ito noong 2021.
Ayon kay Lt Col Tria, ang pagbibigay ng cash rewards ay isa sa makakapaghikayat sa ibang mga rebelde na sumuko at i-turn over ang kanilang mga baril na ginamit sa armadong pakikibaka.
Sinabi naman ni Eastern Samar Governor Ben Evardone na humiling ang pamahalaang panlalawigan ng P6 Milyon mula sa Office of the President para magbigay ng cash assistance sa lahat ng mga rebel returnees kamakailan.
“Natutuwa ako na mas maraming mga dating rebelde ang nakapagtanto na talikuran ang ideolohiyang komunista. Hinihikayat namin ang mga natitirang miyembro ng NPA na sumuko, huminto sa pagtatago, at tumulong sa pagpapaunlad ng ating mga komunidad,” sabi ni Evardone.
Ang E-CLIP ay isang flagship program ng pambansang pamahalaan upang tulungan ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), at Militia ng Bayan na makabalik sa gobyerno.
Sa ilalim ng programang ito, ang bawat dating rebelde ay makakatanggap ng Php15,000 bilang agarang cash assistance, at Php50,000 livelihood assistance gayundin ang bayad sa bawat baril na kanilang dadalhin sa kanilang pagsuko.