Balik kulungan ang isang lalaking parolee matapos maaresto ng mga tauhan ng Naval Municipal Police Station sa Brgy. Larrazabal, Naval, Biliran nitong Miyerkules, Agosto 3, 2022.
Kinilala ang naaresto si Niño Andy Mahinay y Pantilla, 27 taong gulang, lalaki, Filipino, may common-law-wife, walang trabaho, at residente ng Sitio San Roque, Brgy. Larrazabal, Naval, Biliran.
Ayon sa mga awtoridad, pinahintulutan ang parolee na bumisita sa kanilang bahay ngunit kinakailangang mag-report ito sa kanyang supervisor na bigong ginawa at tahasang pinagsawalang bahala ang kondisyon ng kanyang parol.
Si Mahinay ay mayroong Prison No. L214P-0248, na hinatulan ng Regional Trial Court, Branch 16, Naval, Biliran para sa krimeng Theft at nahatulan ng pagkakakulong na 4 taon, 2 buwan at 1 araw hanggang 12 taon at 4 na buwan at may multa na nagkakahalaga ng Php76,385.
Ang nabanggit na parolee ay inaresto sa bisa ng Order of Arrest and Re-commitment na inisyu noong Disyembre 7, 2021 na inisyu ng Department of Justice, Board of Pardons and Parole, DOJ sa Quezon City na nilagdaan ni Sergio R. Calizo, Jr., Chairman ng Board.