Kinumpirma ni mismong Garry Lao, pinuno ng City of Lapu-Lapu Office for Substance Abuse Prevention (CLOSAP), na patuloy na isinasagawa ng mga kawani ng CLOSAP ang revalidation sa mga drug-cleared barangay sa lungsod.
Ang Lapu-Lapu City ay mayroong anim na drug-cleared barangay, kabilang dito ang Caw-oy, Tungasan, Tingo, Baring, Subabasbas, at Sabang. Samantala, idineklara naman ng Regional Oversight Committee bilang drug-free barangay ang Barangay Caohagan.
Nitong Linggo, Hulyo 31, 2022, bilang bahagi ng revalidation efforts ng CLOSAP, nagsagawa ng surprise drug test ang mga kawani nito sa mga empleyado at opisyal ng Barangay Caw-oy, na dineklarang drug-cleared noong Disyembre 2, 2021.
Sa 48 barangay workers at officials na sumailalim sa drug testing sa Barangay Caw-oy, wala ni isa sa kanila ang nagpositibo sa naturang drug test.
Maliban dito, nagsagawa rin ng drug symposium ang CLOSAP, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa barangay.
Ayon pa ni Garry Lao, “Katong tanang barangay nato nga nag drug-cleared, atong ipa-undergo ug drug testing. At the same time, nag-drug symposium din ang mga empleyado together with the CBDRP (Community-Based Drug Rehabilitation Program).”
(Lahat ng mga barangay natin na na-drug-cleared, we will undergo drug testing. Kasabay nito, nagsagawa rin ng drug symposium ang mga empleyado kasama ang CBDRP (Community-Based Drug Rehabilitation Program).
Nitong Hulyo 20, 2022, nagsagawa rin ng revalidation ang CLOSAP sa Barangay Sabang at sa mahigit 80 barangay personnel, kabilang ang mga barangay officials na sumailalim sa surprise drug test na nagnegatibo rin sa nasabing pagsusuri.