Murcia, Negros Occidental- Tagumpay na pinasinayaan ng Negros Occidental Provincial Government ang isang Coffee Processing Center sa Barangay Canlandog sa bayan ng Murcia, Negros Occidental nitong unang araw ng Agosto 2022.
Ang nasabing proyekto ay pinagtulungang isinakatuparan ng Provincial Environment Management Office o PEMO at ng Department of Science and Technology (DOST) – Negros Occidental na pangangasiwaan naman ng Murcia Integrated Social Forestry (ISF) Federation.
Inaasahang makakatulong ang proyekto sa mga magsasaka ng nasabing komunidad upang mas mapaganda pa ang kanilang produksyon, packaging at ang pagbebenta ng kape.
Pinangunahan naman ni Governor Eugenio Jose Lacson ang pagpapasinaya na sinabing naniniwala siyang mas mapaganda ng proyekto ang kalidad ng mga produkto at matulungan pa ang mga magsasaka sa pagtatanim at pagbebenta ng dekalidad na kape.
Ang Murcia ISF Federation ay pinangunahan ng kanilang Presidente na si Dionredo Santillan, na kasabay ding nanumpa sa kanilang katungkulan bilang bahagi na rin sa nasabing aktibidad.
Samantala dumalo din sa inagurasyon sina Murcia Mayor Victor Gerardo Rojas, Canlandog Punong Barangay Reynaldo Gawan; Pemo Head, Julie Ann Bedrio; DOST-Negros Occidental Officer-In-Charge Provincial Director Glady Reyes; mga lokal na opisyal kasama ang mga miyembro ng asosasyon.