Patay ang dalawang indibidwal matapos malunod sa magkahiwalay na insidente na naganap sa Cebu noong Linggo, Hulyo 31, 2022.
Sa Sitio Dubai, Barangay Dumlog, Toledo City, midwest Cebu, isang 31-anyos na lalaki ang nalunod matapos tangayin ng malakas na agos ng dagat dakong alas-2:50 ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Kent Joan Dacuyan Disoyo, residente ng Purok 4, Barangay Carmen, Toledo.
Ayon kay Staff Sergeant Roy Olasiman ng Toledo Police Station, nagpi-piknik ang biktima sa lugar kasama ang kanyang pamilya at kaibigan nang maganap ang insidente. Sinubukan pang iligtas ng mga kasamahan ang biktima, ngunit sila’y nabigo. Idineklara naman na dead on arrival si Disoyo ng dalhin ito sa ospital.
Samantala, wala ng buhay ng matagpuan ang katawan ng Grade 7 student na si AJ Nemenzo matapos ding malunod habang lumalangoy sa dagat dakong alas-3:50 ng hapon ng kaparehong araw sa Barangay Salag, Tabogon, Cebu.
Ayon kay Corporal Dan Bernard Navarro ng Tabogon Police Station, posibleng nakaranas ng muscle cramp ang biktima habang lumalangoy dahilan ng kanyang pagkalunod. Base sa mga impormasyon na nakalap nito, ang biktima ay masaya na lumalangoy mag-isa papunta at pabalik sa sea cliff patungo sa dalampasigan ng bigla na lamang nawala dahilan upang hanapin ng mga residente sa lugar.
Sa pagtutulungan ng mga tauhan ng Tabogon Police Station, Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) ng munisipyo at mga opisyal ng barangay, natagpuan ang 13 taong gulang na biktima alas-7 na ng gabi at dinala sa Cebu Provincial Hospital sa Bogo, kung saan idineklara na rin itong wala ng buhay.