Dalawang drug den ang sinalakay at 15 katao ang inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Central Visayas (PDEA 7) sa Sitio Lower Yati, Barangay Quiot, Cebu City, nito lamang Miyerkules ng umaga, Hulyo 27, 2022.
Isinagawa ang buy-bust operation ng PDEA 7 Regional Special Enforcement Team alas-5:45 ng umaga na nagresulta sa pagkakabaklas sa isang drug den at pagkakaaresto sa tatlong indibidwal na sina, Alberto Cuadero, 55, drug den operator at mga bisita sa drug den na si Marites Carbonel , 47, at Leonardo Gadiane, 53.
Nakumpiska sa operasyon ang siyam na pakete ng shabu na may bigat na humigit-kumulang 11 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng Php74,800.00, buy-bust money at mga drug paraphernalia.
Bandang alas-10 ng umaga ng araw ding iyon, isa pang drug den sa Barangay Tisa, Cebu City ang nabaklas rin ng naturang grupo na nagresulta naman sa pagkakaadakip ng 12 katao.
Ang mga naaresto ay sina Arnel Pacaña, 49, technician ng aircon at operator umano ng drug den, at mga bisita sa drug den na sina Joel Villejo (39), Jefferson Cubillo (26), Ireneo Mendez (26), Rolando Quibilan (57), Gil Silvosa (40), at Steven Monares (24), parehong habal-habal driver; Giovanni Intic, 45, taxi driver; Nelson Odchigue, 58; Ricky Hortezano, 37, street vendor; Alex Altamira, 54, dispatser; at Rodulfo Castillon, 39, construction worker.
Nakuha mula sa kanila ang 19 na pakete ng shabu na may bigat na humigit-kumulang 10 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng Php68,000.00, buy-bust money, at mga drug paraphernalia.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.