Nagparating ng simpatiya si 3rd Infantry Division Commander, Major General Benedict Arevalo sa pamilya ni Glezer “alyas Karl” Hembra, ang NPA member na natagpuan sa isang mababaw na hukay sa Barangay Bucari sa bayan ng Leon, Iloilo noong Hulyo 9, 2022.
Ayon kay Arevalo, nakakalungkot ang sinapit ng iilan sa mga miyembro ng New People’s Army dahil kung hindi man sila mahuli ng tropa ng pamahalaan, posible naman silang mamatay sa engkwentro o magkaroon ng malubhang sakit at pabayaan na lang sila ng kanilang mga kasamahan.
Dagdag pa ni Arevalo na maging aral sana sa lahat ng mga kababayan nating kasalukuyan pang sumusama sa rebeldeng grupo ang nangyari kay Hembra at sa iba pang mga NPA na basta basta na lang inilibing.
Nagpasalamat naman ito sa isang kinilalang Alyas Toto, former NPA member sa pagturo upang matunton ng mga sundalo ang hukay ni Hembra.
Si Hembra ay naging Squad Member ng Squad 3, Suyak Platoon, Southern Front, Kometing Rehiyon-Panay. Pinaniniwalaan itong namatay dahil sa nervous breakdown at high fever at inilibing ng kanyang mga kasamahang rebelde noong 2021.