Cebu City — Ipinagdiwang ng Cebu City Department of Veterinary Medicine and Fisheries (DVMF), ang ika-12th na Araw ng Asong Pinoy (Aspin) na ginanap sa Plaza Sugbo, Cebu City ngayong araw, Linggo, Hulyo 17, 2022.
Sinabi ni Doctor Jessica Maribojoc, Acting City Veterinarian, na ito ang pinakamagandang paraan para ipakita ang pagpapahalaga sa mga asong naging bahagi ng pamilya ng mga residente ng Cebu City.
Ang DVMF ay magkakaroon ng libreng Veterinary Services tulad ng libreng pagbabakuna, libreng deworming, at pamimigay ng bitamina para sa mga may-ari ng aso at kanilang mga alagang hayop na aspin.
Ang nasabing aktibidad ay magsasagawa din ng mga palaro sa mga aso at kanilang mga may-ari.
Magkakaroon din ng pageant para sa mga aso tulad ng Aspin Pinoy Top Model at ang My Aspin Rescue Story para sa mga online pageant, at onsite pageant naman tulad ng Best-Looking Aspin Day.
Hinikayat naman ng DVMF ang mga residente na sumali sa nasabing mga aktibidad upang ipakita ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga alagang Aspin.
Bukod sa mga nabanggit na aktibidad, ang DVMF sa pakikipagtulungan ng Island Rescue Organization (IRO) ay magsasagawa rin ng public adoption. Ang pag-ampon ay nagkakahalaga ng Php200 lamang, kasama na ang pagpaparehistro, pagbabakuna, at iba pang bayarin.
Ipinagpapatuloy ng IRO ang misyon nito na ipaalam sa publiko ang tungkol sa kamalayan sa kapakanan ng hayop. Nagsusulong din sila para sa animal welfare desk, tumulong sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga nang-aabuso ng hayop, at mailigtas ang mga ito at iba pang mga hayop sa mga mapang-abusong sitwasyon.