Nakatanggap ng tulong-pangkabuhayan ang walong dating kasapi ng New People’s Army sa Guihulngan City, Negros Oriental at sa Isabela, Negros Occidental nitong Hulyo 6, 2022.
Ito ay bahagi sa tuloy-tuloy na programa ng pamahalaan na tulungan ang lahat ng ating mga kababayan na magbalik-loob sa pamahalaan at tuluyan ng humiwalay sa rebeldeng grupo.
Sa tulong ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army, Philippine National Police kasama ang Department of Trade and Industry (DTI), Negros Oriental, nabigyan ang mga sumuko ng livelihood assistance mula sa ahensya sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa program (DTI-PBG).
Ang mga sumuko ay nabigyan ng 10 kambing, sari-sari store kits, cellphone with freeloader at iba pang uri ng tulong.
Sa walong mga sumuko, tatlo nito ang mga dating NPA combatants habang lima naman ay mga dating kasapi ng Milisyang Bayan. Sumuko ang mga ito dahil sa hirap na kanilang napagdaanan sa loob ng samahan. Ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng pamahalaan ay patuloy na ipinapatupad ng pamahalaan bilang bahagi sa kampanya nito na tukdukan ang problema sa terorismo at insurhensya sa buong bansa.