Friday, November 15, 2024

HomePoliticsFormer Rebel NewsDating rebeldeng ina, hinimok ang kanyang mga anak na talikuran ang NPA

Dating rebeldeng ina, hinimok ang kanyang mga anak na talikuran ang NPA

Humingi ng tulong ang isang ina na dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Leyte para mailigtas ang buhay ng kanyang dalawang anak na nasa armadong pakikibaka ng komunista at teroristang grupo.

Nababahala si Helen Nuevo, 43 anyos ng Kananga, Leyte sa kalagayan ng kanyang dalawang anak na mga aktibong miyembro ng NPA sa lalawigan ng Southern Leyte.

Ang kanyang anak na si Jannel, 26, ay miyembro ng NPA Squad 2, Platoon 1 na nagtatago sa kabundukan ng Southern Leyte habang ang kanyang anak na babae naman na si Realyn, 23, ang siyang finance and logistics staff ng NPA Sub-Regional Committee ng Eastern Visayas Regional Party Committee.

Si Helen ay humiwalay sa teroristang grupo dalawang dekada na ang nakalipas. Nalaman niya lang ang kinaroroonan ng kanyang dalawang anak batay sa mga liham na natanggap niya mula sa mga ito.

“Huwag maniwala sa sinasabi ng NPA na pahihirapan ng mga sundalo ang mga sumusuko mula sa NPA. Hindi totoo. I’ve been with the Philippine Army and they are very respective to me (kahit) hindi pa ako pormal na sumuko,” saad ni Nuevo sa radio program ng Army’s 802nd Infantry Brigade na nakabase sa Ormoc City noong Linggo, Hunyo 19, 2022.

Hinimok niya ang kanyang mga anak na huwag maniwala sa panlilinlang ng NPA, ang armed wing ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Matatandaang ang asawa ni Nuevo na si Santoy ay namatay bilang isang mandirigma ng NPA sa isang engkwentro sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno sa Carigara, Leyte.

Ang pangako na magandang kinabukasan at libreng edukasyon para sa kanilang mga anak ang humimok sa mag-asawa na sumapi sa komunistang teroristang grupo sa Leyte.

Samantala, pinuri ni Colonel Noel Vestuir, Commander ng 802nd Infantry Brigade ang katapangan ni Nuevo sa paghahayag ng pagkabahala sa kalagayan ng kanyang mga anak sa teroristang grupo.

“Tulungan natin siyang mahanap ang kanyang mga anak, hikayatin natin silang lumabas at sumuko, sa pamamagitan ng Enhanced-Comprehensive Local Integration Program ng pamahalaan at mamuhay ng normal,” dagdag pa ni ni Col. Vestuir.

Source: PNA | https://www.pna.gov.ph/articles/1177047

RELATED ARTICLES

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
155SubscribersSubscribe