Palo, Leyte – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggunita sa ika-78 anibersaryo ng Leyte Gulf Landing nitong Huwebes, Oktubre 20, 2022.
Ang Pangulo ay nagpahayag ng suporta para sa mga hakbangin na hindi lamang magpapanatili ng mga makasaysayan at kultural na mga lugar sa bansa kundi pati na rin ang pagpapahalaga ng mamamayang Pilipino sa mga ito.
Sa kanyang mensahe, “Bilang inyong Pangulo, dapat ay makatiyak kayo na ang administrasyong ito ay palaging magsusulong ng para sa kapayapaan at pagkakaisa lalo na sa mga lugar na apektado ng labanan kontra sa mga makakaliwang grupo”.
Ang Leyte Landing Anniversary ay pagbibigay parangal sa katapangan at kabayanihan ng mga beteranong Pilipino na nag-alay ng kanilang buhay para palayain ang Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Habang nawawala ang mga peklat ng huling malaking digmaan, naobserbahan ang pagbaba sa bilang ng mga nakaligtas na beterano ng digmaan sa Silangang Visayas.
Mula 97 noong nakaraang taon, bumaba na sila sa 30 ngayong taon, ayon sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO).
Si Leyte Governor Carlos Jericho Petilla ay naghangad ng mas agresibong pagsisikap sa pangangalaga ng kanilang mga alaala para sa mga susunod na henerasyon.
Ang pinakamatandang nabubuhay na beterano ay 101 taong gulang mula sa Burauen, Leyte, habang ang pinakabata ay 93 mula sa Hinunangan, Southern Leyte.
Ang paggunita sa Leyte Gulf Landings ngayong taon ay may temang “Kapayapaang Walang Hanggan: Aral na Natutunan mula sa mga Vestiges ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.”
Ito ay ginugunita ang pagdating ng Allied forces sa pamumuno ni Gen. Douglas MacArthur para palayain ang Pilipinas mula sa Japanese Imperial Forces na sumakop sa bansa mula 1942 hanggang 1945.
Ang kanilang pagdating ay humantong sa labanan ng Leyte Gulf, na tinaguriang pinakamalaking labanang pandagat sa kasaysayan na may higit sa 200,000 mga mandirigma at daan-daang barkong pandigma na nagresulta sa pagkatalo ng mga puwersang Hapones sa Pilipinas.
Naroon din sa kaganapan sina Lt. Col. Tim Lopsik, Assistant Defence attache ng Embassy of Australia, at Minister Matsuda Kenichi, Deputy Chief of Mission ng Japanese Embassy.