Friday, November 8, 2024

HomeNews63 na maliliit na retailer ng bigas sa Eastern Visayas, nakakuha ng...

63 na maliliit na retailer ng bigas sa Eastern Visayas, nakakuha ng subsidy

Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Php15,000 cash assistance sa 63 na maliliit na retailer ng bigas sa Eastern Visayas na lubhang apektado ng price cap na itinakda ng gobyerno.

Sinabi ni DSWD Regional Information Officer Jonalyndie Chua nitong Biyernes na ang mga retailer na ito ay paunang tatanggap lamang ng Sustainable Livelihood Program ng DSWD – Economic Relief Subsidy (SLP-ERS), at patuloy pa rin ang validation para sa iba pang gustong maka-avail ng subsidy.

“Inisyal lang ang bilang ng mga tatanggap. Ang ilan ay natukoy na ngunit kailangang magpakita ng ilang mga dokumento bago ang mabigyan ng ayuda. Hinihintay pa rin namin ang certified list ng mas maraming rice retailers mula sa Department of Agriculture at Department of Trade and Industry,” sabi ni Chua sa isang panayam.

Sa unang araw ng pagpapalabas ng SLP-ERS noong Setyembre 13 sa DSWD regional office sa Palo, Leyte, hindi bababa sa 35 maliliit na retailer ng bigas mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ang nakatanggap ng tulong.

Nasa 28 retailer mula sa lalawigan ng Samar ang nakatanggap ng tulong sa pamamahagi sa bayan ng Motiong, Calbayog City, at Catbalogan City noong Setyembre 14.

“Ang monitoring ay gagawin para sa mga benepisyaryo upang matiyak na ang subsidy ay ginagamit ayon sa layunin nito,” dagdag ni Chua.

Ang Executive Order 39, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at inilabas noong Agosto 31, ay nag-utos sa mga retailer ng bigas na magbenta ng well-milled rice sa halagang Php45.00 at Php41.00 naman sa regular-milled rice.

Inatasan ni Pangulong Marcos si DSWD Secretary Rex Gatchalian na gamitin ang Sustainable Livelihood Program ng kagawaran bilang pamalit sa pagkalugi ng maliliit na retailer ng bigas mula sa pansamantalang price cap.

Ang direktiba ay naglalayong tugunan ang tumataas na gastos sa pagkain at magpataw ng mga parusa sa mga indibidwal na sangkot sa pag-iimbak bilang tugon sa mga ulat ng malawak na paglabag sa batas na pagmamanipula ng presyo.

RELATED ARTICLES

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
155SubscribersSubscribe