Aabot sa 530 centenarians sa Eastern Visayas ang nakatanggap ng PHP100,000 na insentibo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula 2016 hanggang 2024, ayon sa ulat ng DSWD Regional Office nitong Martes, Enero 7, 2025.
Sa kabuuang bilang, 199 benepisyaryo ang mula sa Leyte, 34 mula sa Biliran, 63 mula sa Southern Leyte, 92 mula sa Eastern Samar, 63 mula sa Northern Samar, at 79 mula sa Samar.
Ayon sa Republic Act No. 10868 o ang Centenarians Act of 2016, lahat ng mga Filipino na umabot sa edad na 100 taon, kahit pa sila ay nasa Pilipinas o sa ibang bansa, ay bibigyan ng liham ng pagbati na pinirmahan ng Pangulo ng Pilipinas, pati na rin ng “centenarian gift” na nagkakahalaga ng PHP100,000 bilang pagkilala sa kanilang mahabang buhay.
Bukod sa cash gift, nagbibigay din ang DSWD ng posthumous plaque of recognition para sa mga pumanaw na centenarian, na maaaring tanggapin ng pinakamalapit na kamag-anak ng yumaong celebrant.
Ayon sa pahayag ng DSWD regional office, “Sa mga taon ng pagpapatupad ng programa, matagumpay na naisagawa ng DSWD, katuwang ang bawat lokal na pamahalaan sa rehiyon, ang pagkilala at pagpapahalaga sa mga centenarians na nag-ambag sa pag-unlad ng lipunan.”
Upang makuha ang mga benepisyo sa ilalim ng batas, kinakailangang magsumite ng mga pangunahing dokumento ang mga kamag-anak ng centenarian tulad ng birth certificate at Philippine passport sa City o Municipal Social Welfare Office at/o sa Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) sa kanilang mga lokalidad. Kung wala ang mga dokumentong ito, tinatanggap din ang isa sa mga sumusunod na pangunahing identification cards: OSCA ID, GSIS ID, SSS ID, driver’s license, PRC license, at Comelec voter’s ID.
Ayon pa sa batas, ang mga centenarian ay makatatanggap din ng plaque of recognition at cash incentive mula sa kanilang lokal na pamahalaan sa “angkop na seremonya,” bukod pa sa liham ng pagbati at PHP100,000 centenarian gift mula sa DSWD.
Panulat ni Cami
Source: PNA