Limampung pulis mula sa iba’t ibang City at Provincial Police Offices sa Central Visayas ang ipinadala ng Police Regional Office (PRO) 7 upang magsilbing Special Electoral Board para sa nalalapit na National at Local Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Mayo 12, 2025.
Isinagawa ang send-off ceremony nitong Miyerkules ng umaga, Abril 30, 2025, sa parade ground ng PRO 7 sa pamumuno ni Police Brigadier General Redrico A Maranan, Regional Director ng kapulisan sa rehiyon.
Ayon kay Maranan, ang pagtulong ng PRO 7 sa mga kapulisan sa BARMM ay bahagi ng hangaring matiyak ang maayos, mapayapa, patas, at tapat na halalan sa rehiyon. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbibigay-proteksyon sa karapatang bumoto ng bawat mamamayan sa lugar.
Ang mga ipinadalang pulis ay sumailalim sa masusing pagsasanay sa ilalim ng Commission on Elections (COMELEC) bilang paghahanda sa kanilang mahalagang tungkulin.
Kapansin-pansin na lahat ng 50 personnel ay boluntaryong nagpaabot ng kagustuhang maglingkod sa BARMM, sa kabila ng reputasyon ng rehiyon bilang isang election hotspot na binabantayan ng PNP at AFP dahil sa mga insidente na maaaring makaapekto sa seguridad ng halalan.
Anim sa mga boluntaryong ito ay mga kababaihan na buong tapang na tumanggap ng hamon na maglingkod sa Mindanao para sa kapakanan ng bayan.
Pinasalamatan at pinuri ni Police Brigadier General Maranan ang kanilang dedikasyon at sakripisyo—lalo’t alam na nila na pansamantalang iiwan ang kanilang pamilya, mahal sa buhay, at mga kaibigan sa Sugbo upang makapaglingkod sa isang mas malawak na layunin: ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Source: AYB/Sunstar