Southern Leyte- Labis ang tuwa ng isang estudyante mula sa Libagon, Southern Leyte matapos itong mapalad na mapabilang sa mga nanguna sa katatapos lamang na Social Worker Licensure Examination (SWLE) nitong Setyembre 2023.
Sa panayam kay Jingga Asupan, estudyante ng Leyte Normal University at Top 5 sa naturang pagsusulit. Labis ang galak sa kanyang puso at ng kanyang mga magulang matapos na makamit ang tagumpay na ito na inaalay niya sa kanyang buong pamilya.
Nagpasalamat naman ito sa kanyang mga magulang na sa kabila ng hirap at kasalatan sa buhay ay hindi nagsawang tumulong at sumuporta sa kanya: “Kahit po mahirap, ginagawa po nila Nanay at Tatay ang lahat para po sa mga pangarap po namin. Very supportive sila.” pahayag ni Jingga.
Pagbubunyag pa ni Asupan na tatlong buwan lamang ang kanyang iginugol sa pagrereview at paghahanda para sa board exam at nangarap pa umano siyang maging isa sa mga topnotchers. Ngunit dahil aniya sa hirap ng mga tanong nang sumalang ito sa board exam ay ipinanalangin na lamang nito na maipasa niya ang naturang pagsusulit.
Batay sa resulta na inanunsyo ng Professional Regulation Commission (PRC) sa 6,833 na kumuha ng pagsusulit ay tanging 3,878 lamang ang mapalad na pumasa dito.
Si Jingga na dating 4Ps beneficiary ay nakakuha ng ika limang pwesto na may markang 86.20%.