Upang masolusyunan ang problema sa kahirapan at kawalan ng trabaho, hindi bababa sa 46,000 na indibidwal mula sa ikalawang distrito ng Southern Leyte ang patuloy na nakikinabang sa mga programang pangkabuhayan na ibinibigay sa kanila ng lokal na pamahalaan.
Ang programang ito ay ang Southern Leyte Organization for People’s Welfare Alliance (SOPWA) Livelihood Project na nilikha ni Southern Leyte Representative Christopherson Yap.
Ayon kay Congressman Yap, naglaan ang kanyang opisina ng Php60 milyon para sa programang ito. Ang mga pondo ay direktang kinuha sa kanyang congressional fund.
“Nais nating magamit ng mabuti ang pondo ng gobyerno para makatulong sa ating mga mamamayan. Ang mga tao ay nangangailangan ng tunay na tulong. Sa pagkakataong ito sa SOPWA, napatunayan natin na sa maliit na halaga ng binhing pera, maibabahagi natin ang mga matagumpay na kwento,” isinaad ni Yap.
“Simula pa lang ito. Sana, ma-tap natin ang mga pambansang ahensya na makakakita ng potensyal ng programang ito at matulungan tayo sa pagpapalaki nito,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang Sabado, Mayo 4, ginanap ang pinakamagandang anibersaryo ng parehong programa kung saan ipinakita ang iba’t ibang ‘success stories’ ng mga miyembro dahil sa SOPWA.
Ang inisyatibo na ito ay nagbigay ng kabuhayan sa 277 barangay sa ikalawang distrito ng Southern Leyte.
Sinabi pa rin ni Yap na naging matagumpay ang huling taon ng kaparehong programa dahil sa tulong ng mga opisyal at consultant ng SOPWA.
Sila ang nagpapatupad, sumusubaybay, at nag-a-audit ng parehong proyekto upang matiyak na ito ay mabisang naipapatupad sa tulong ng mga opisyal at consultant ng SOPWA.
Mabuting pamamalakad at paglutas sa kahirapan ang siyang gabay tungo sa Bagong Pilipinas.
Panulat ni Ummah