Leyte – Apat na bayan sa lalawigan ng Leyte ang bumuo ng isang alyansa upang makabuo ng isang “circuit tour package” na magpo-promote ng kanilang mga magagandang isla, nakamamanghang tanawin, at iba pang natural na likas na yaman.
Sinabi ni Department of Tourism (DOT) Eastern Visayas Regional Director Karina Rosa Tiopes nitong Miyerkules, Agosto 10, 2022 na ang hakbang ng mga bayan ng Palompon, Isabel, Merida, at Matag-ob na bumuo ng lateral alliance at lumikha ng tourism circuit ay mahalaga upang matamo ang local community economic augmentation.
Kilala ang Palompon sa Kalanggaman Island, ang nangungunang destinasyon sa lalawigan. Ang iba pang mga destinasyon ay ang terrestrial eco-adventure park, Buenavista underwater caves, Tabuk marine park fish and bird sanctuary, Masaba ecological park, ang Sky Garden at eco-village.
Kasama sa mga aktibidad sa Isabel ang Dupong river paddling, Badjao eco-village tour, at maranasan ang nakakapreskong tanawin ng Il Fattoria.
Sa Matag-ob, ang mga pangunahing destinasyon ay kinabibilangan ng Santa Rosa Hills, Bulak, San Vicente Caves, at Bondari peak, isang destinasyon na may 360° na mga nakamamanghang tanawin at landscape.
Kabilang sa mga destinasyon sa circuit tour sa Merida ang Mount Magsanga, aqua farms, San Jose Cave, Bird and Fish Sanctuary, at Tomorroland resort.
Ang apat na bayan ay nagmungkahi ng mga tour package para sa dalawang araw at tatlong araw na may hike at kayak na ruta.
Ang mga iminungkahing proyekto ay nangangailangan ng Php950.8 milyon na pondo, upang mas mapadali ang transportasyon ng mga turista sa mga tinukoy na destinasyon.