Matagumpay na natapos ng 35 Senior Citizens ng Tacloban City at Bayan ng Palo ang pitong araw na Community Guiding Training ng Department of Tourism-Eastern Visayas.
Bahagi ito ng pagsisikap ng ahensya na gawing “inclusive” ang tour guide at turismo sa lahat ng sektor ng komunidad.
Tinuruan sila ng First Aid, Filipino Brand of Service Excellence, at Tour Guiding sa loob ng pitong araw.
Nagsagawa pa sila ng Mock Tour kung saan binisita nila ang ilang tourism sites sa Tacloban at Palo tulad ng lumang Provincial Capitol Building at McArthur Park.
Nang dumalo si DOT-8 Regional Director Karina Rosa Tiopes sa culmination program, inatasan niya ang mga kasapi ng Community Guide Training na pag-igihan ang kanilang paggawa ng iskrip na kanilang ibabahagi sa mga turista.
“Bilang tour guide, hindi namin trabaho na sabihin kung ano ang nakikita ng turista. Bilang mga nakatatanda, mas marami raw tayong makukuwento kaysa sa mga kabataan,” ayon kay Director Tiopes.
“Ang tour guide ay isang uri ng pagkukuwento. Ang turismo ay tungkol sa mga kwento. Maaaring mayroon kang isang napakagandang natural na lugar, ngunit iyon ay isang lugar lamang kung walang kwentong maibabahagi. Bilang mga gabay mayroon tayong malaking responsibilidad na mailabas ang pinakamaganda sa ating lugar, ang lugar na tinatawag nating tahanan. Kayo ang puso ng paglilibot,” dagdag ni Tiopes.
Ang Community Guiding Training ng DOT para sa Senior Citizens ay ipinatupad sa pakikipag-ugnayan sa mga Tourism Offices ng City Government ng Tacloban at ng Local Government ng Palo kasama ang kani-kanilang Office of Senior Citizens Affairs.
Panulat ni Let