Pinaalalahanan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang mga pribadong employer sa Eastern Visayas sa bisa ng ikalawang tranche ng dagdag sahod simula Enero 2 sa susunod na taon.
Sinabi ni Department of Labor and Employment Eastern Visayas Regional Director at RTWPB chairman Henry John Jalbuena nitong Huwebes, Disyembre 29, 2022 na kalahati ng Php50 daily pay increase sa ilalim ng Wage Order No. 22 ay ipagkakaloob sa mga manggagawa.
Inilabas ng RTWPB ang direktiba noong Hunyo 10, 2022 at nagkabisa ang unang tranche noong Hunyo 27.
Ang mga manggagawa sa non-agriculture sector at retail o service establishments na nagpapatrabaho ng 11 manggagawa pataas ay tatanggap ng daily minimum wage na Php375 mula Php350.
Ang mga employer sa cottage at handicraft industry, agriculture sector at retail o service establishments na nagpapatrabaho ng 10 manggagawa pababa ay dapat magbayad ng kanilang mga manggagawa ng hindi bababa sa Php345 kada araw.
Nananawagan si Jalbuena sa lahat ng employer sa rehiyon na sumunod sa wage order.
“Gagawin namin sa DOLE ang aming bahagi sa pagtiyak na natatanggap ng aming mga manggagawa ang nararapat sa kanila,” sabi ni Jalbuena sa isang pahayag.
Ang bagong order ay lumabas nang higit sa tatlong taon pagkatapos ng pagpapalabas ng nauna noong Agosto 2019.
Ang regional board sa Eastern Visayas ay isang tripartite body na binubuo ng anim na miyembro — tatlong kinatawan mula sa gobyerno, dalawa mula sa sektor ng manggagawa at isa mula sa panig ng mga employer.