Nasa 24 na mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang tumanggap ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng Php760,000 sa ilalim ng programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan sa Borongan City, Eastern Samar.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ng 78th Infantry Battalion ng Philippine Army, sa pakikipagtulungan ng Department of Interior and Local Government Unit (DILG), katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Eastern Samar.
Nasa walong dating NPA regular members ang tumanggap ng Php65,000 at nasa 16 na mga dating Militia ng Bayan (MB) ang tumanggap din ng Php15, 000 tulong pinansyal bawat isa.
Ang pamamahagi ng nasabing tulong mula sa pamahalaan ay naglalayong tulungan ang mga dating rebelde na makapagsimula ng bagong buhay kasama ang kanilang pamilya.
Sa isang mensahe, sinabi ni Eastern Samar Vice-Governor Maria Caridad Goteesan na handa ang pamahalaang lokal na alalayan ang mga ito sa kanilang pagbabagong buhay.
Bukod sa E-CLIP, naunang tumanggap ang mga nasabing benipisyaryo ng mga tulong pinansyal mula sa Local Social Integration Program (LSIP), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD), kung saan sumailalim na ito sa napakaraming livelihood trainings.