Iloilo City – Nakapagtala ng 224 na kaso ng hand, foot and mouth disease (HFMD) ang Iloilo Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) sa 24 na bayan sa Iloilo simula noong Enero 1 hanggang 22, 2023.
Ayon sa PESU, dalawa lamang ang naitalang kaso ng naturang karamdaman sa lalawigan sa parehong mga araw noong nakaraang taon
Sa pahayag ni Provincial Health Office (PHO) Head, Dr. Ma. Socorro Quiñon, sinabi niyang kadalasan sa mga apektado ng nasabing karamdaman ay mga kabataan. Dagdag pa niya na umabot sa 202 kaso ng kabataang may edad isang taon hanggang 10 ang nagkaroon ng sintomas ng HFMD, 13 kaso naman sa below 1 year old, anim na kaso sa may edad na 11 hanggang 20, habang dalawa namang kaso sa 31-40 taong gulang, at isang kaso sa may edad 41-50.
Nakapagtala ang bayan ng Pavia ng pinakamataas na number of cases na may 29 na inaasahang lolobo pa dulot ng maaaring mga panibagong kaso; 23 kaso naman sa Barotac Viejo,21 sa San Dionisio, 20 sa Bingawan, 16 sa Calinog, 15 sa Barotac Nuevo, 13 sa Lemery, 12 sa Leon, 10 sa Pototan, 9 naman sa mga bayan ng Santa Barbara, Banate at Lambunao.
Sinabi rin ni Quiñon na ang HFMD ay isang contagious disease, kaya hinimok niya ang publiko na mag-ingat lalo na sa kalinisan sakaling may napansin silang mga sintomas ng nasabing karamdaman.
Maiiwasan lamang ang nasabing karamdaman sa pamamagitan ng pagsunod ng minimum health protocol gaya ng handwashing, hand hygiene, pag-iwas sa mga may sintomas, paggamit ng face mask, at pagtapon ng mga pinagamitang basura sa tamang lugar.
Hinikayat din ng mga awtoridad ang bawat residente na maging responsable sa kani-kanilang kalusugan, kung sakaling may nararamdaman na sintomas at hindi gumaling sa loob ng sampung araw ay agad ng magpakonsulta o dumulog sa pinakamalapit na ospital.