Patay ang dalawang sundalo mula sa 94th Infantry Battalion, habang sugatan naman ang anim pa nitong mga tauhan sa naganap na sunod-sunod na engwkentro sa pagitan ng grupo at ng mga komunistang CPP-NPA mula nitong ika-6 ng Oktubre 2022 sa Himamaylan City, Negros Occidental.
Nangyari ang unang encounter sa bulubunduking bahagi ng Sitio Sig-ang sa Barangay Carabalan sa nasabing lungsod dakong alas 6:30 ng umaga. Nasundan naman ito sa hindi kalayuang Sitio ng Medel sa parehong barangay dakong alas 3:00 ng hapon.
Nagkaroon pa ng iba pang sumunod na encounter sa pagitan ng dalawang grupo sa Barangay Cabadiangan at sa isang sitio sa bayan ng Binalbagan.
Ayon sa mga awtoridad, nasa 20 armadong indibidwal ang nakasagupa ng mga sundalo, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen. Agad namang nagsagawa ng operasyon ang tropa ng pamahalaan sa kinaroroonan ng mga rebelde at nauwi sa bakbakan.
Ayon naman sa Department of Social Welfare and Development, nasa 436 pamilya na o 1,767 indibibwal ang ligtas na lumikas upang makaiwas sa naganap na bakbakan.
Samantala, patuloy pa ring nagsasagawa ng operasyon ang 94th IB, Philippine Army katuwang ang PNP upang tuluyan ng malipon ang natitirang mga rebelde sa buong probinsya habang ginawaran naman ng buong pagpupugay ang dalawa nitong mga kasapi na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kapayapaan ng naturang lungsod.