Sa antisipasyon ng problema sa trapiko at hindi sapat na pampublikong transportasyon, hinimok ng isang miyembro ng Cebu City Council ang mga mall na magbigay ng karagdagang parking space para sa mga deboto na gustong lumahok sa misa ng nobena para sa Fiesta Señor sa susunod na taon.
Sa isang panayam noong Biyernes, Disyembre 23, 2022, sinabi ni City Councilor Phillip Zafra na may mga deboto na inaasahang dadating sa Basilica Minore del Sto. Niño de Cebu para sa mga misa ng nobena, at siguradong mahihirapan ang mga deboto na may sasakyan sa paghahanap ng mga parking spot.
Sa mga nakaraan na pagdiriwang ng Fiesta Señor, nagpakita na ang paligid ng Basilica ay nagiging sentro ng trapiko dahil sa makitid na kalsada at sa mataas na volume ng sasakyan at mga tao, aniya.
Bilang remedyo, maaari na lamang gamitin ng mga deboto ang mga parking space sa isang mall na matatagpuan sa South Road Properties (SRP) at isa pa sa North Reclamation Area (NRA).
Sinabi ni Zafra na ang mga mall ay may mga bus na maaaring maghatid ng mga deboto mula sa mga mall na pupunta sa Basilica.
Ayon sa kanyang resolusyon na inihain sa regular session ng Sangguniang Panlungsod noong Miyerkules, Disyembre 21, ang Pamahalaang Lungsod ay magbibigay ng tulong sa dalawang malls sa pagkuha ng mga espesyal na permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
“Inaasahan na libu-libong deboto pagkatapos ng dalawang taon ng limitado at regulated na pagdiriwang ng fiesta ang magsasama-sama mula sa iba’t ibang panig ng Cebu para mamasayl sa lungsod at magbigay pugay sa Batang Hesus, Señor Sto. Niño,” ani Zafra sa kanyang resolusyon.
Ang mga bus mula sa SRP at NRA ay maghahatid ng kanilang mga pasahero sa drop-off point sa Malacañan sa Sugbo malapit sa Plaza Independencia sa downtown Cebu City.
Ang mga espesyal na rutang ito ay inaasahang magsisimula sa Enero 5 at magtatapos sa araw ng fiesta sa Enero 15.
Sinabi pa ni Zafra na tinitingnan din ng Pamahalaang Lungsod ang posibilidad na mag-deploy ng mga bus nito sakaling kailanganin ang pampublikong transportasyon.
Maglalabas din ang Cebu City Transportation Office ng traffic advisory sa susunod na linggo para sa anumang pagsasara ng kalsada o pag-rerouting sa paligid ng Basilica, dagdag niya.