2 Hinihinalang tulak ng droga, arestado sa buy-bust operation sa Tagbilaran City

0
115

Dalawang hinihinalang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation ng Tagbilaran City Police Station bandang 6:08 ng gabi, Sabado, Hunyo 7, 2025, sa Purok 4, Barangay Cabawan, lungsod ng Tagbilaran, Bohol.

Kinilala ang mga suspek na sina Climaco Cinconiegue Luzon, alyas “Proco,” 39 taong gulang, isang mekaniko at residente ng Purok 3, Barangay Biking sa bayan ng Dauis, at Wilbert Ladeza Velozo, alyas “Doking,” 48 taong gulang, naninirahan sa Barangay Anislag, Maribojoc.

Nasamsam mula sa mga suspek ang apat na malalaking pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 500 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php3.4 milyon batay sa standard drug price.

Ang mga nakuhang ebidensya ay isinumite na sa PNP Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel John Kareen Escober, hepe ng Tagbilaran City Police Station, dalawang buwan nilang minanmanan ang mga suspek matapos na maiulat ang mga ito sa kanilang intelligence monitoring. Lumalabas na kayang magbenta ni alyas Proco ng hanggang 100 gramo ng shabu kada linggo mula sa isang hindi pinangalanang supplier.

“Every gram we take off the streets is a life we save. This is more than law enforcement — this is our promise to protect the future of Tagbilaran,” ayon kay Escober.

Ang operasyon ay bahagi ng Oplan Limpyo Tagbilaran — isang programang ipinatupad ni Police Brigadier General Redrico Maranan na nakatuon sa mas pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga.

Ihahain na ang kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 laban sa dalawang suspek.

Source: AYB/ Sunstar

Photoos Courtesy: PRO 7