Northern Samar – Nakatanggap ng cash assistance ang dalawang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na sumuko sa First Northern Samar Provincial Mobile Force Company (1st NSPMFC), sa ilalim ng programa ng Department of Labor and Employment na tinaguriang “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers (TUPAD)” na iginawad noong Hulyo 13, 2022.
Sina Ka “Tonio at Ka “Rey” ay parehong dating mga rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan. Sa pamamagitan ng naturang programa nakatanggap sila ng Php10,000.00 cash assistance bilang karagdagang tulong para sa kanilang pagsisimulang muli.
Layunin ng programa na makapagbigay pa ng karagdagang puhunan sa kanila at upang matulungan silang muli sa pagbuo ng kani-kanilang pamumuhay kasama ang kanilang mga pamilya bilang normal na mga mamamayan.
“Ang gobyerno ay tapat at taos-pusong susuporta at tutulong sa mga rebeldeng tuluyan ng tumalikod sa kanilang armadong pakikibaka at nagsimula ng muli ng bagong buhay kasama ang kanilang mga mahal sa buhay,” saad ni Police Lieutenant Colonel Edwin Oloan Jr, Force Commander ng 1st NSPMFC.
“Muli, nananawagan kami sa mga natitirang rebelde ng CPP-NPA-NDF na sumuko na at piliin ang mas magandang pamamaraan upang mamuhay nang may katahimikan at kapayapaan at malayo sa karahasan o poot,” dagdag pa ni PLtCol Oloan.