Hindi na kailangang pumunta sa Cebu City ang mga pasyenteng mula southern at northern part ng Cebu para mag-avail ng dialysis treatment dahil dalawang dialysis centers ang ilalagay sa mga provincial hospital ng Carcar at Danao para mapalapit sila sa mga pasyente.
Nakatakdang magpasa ng resolusyon ang Cebu Provincial Board sa Nobyembre 28 na nagpapahintulot kay Gobernador Gwendolyn Garcia na lumagda sa isang kasunduan sa Medtronix para sa isang dialysis package para sa dalawang ospital na pinapatakbo ng probinsiya.
Ang proyektong magpatakbo ng dialysis package sa Carcar provincial hospital sa south at Danao provincial hospital sa north ay iginawad ng pamahalaang panlalawigan sa Medtronix Medical Supplies and Equipment noong Nobyembre 21, ayon sa Sugbo News, media arm ng Kapitolyo.
Magbibigay ang Medtronix ng 15 dialysis machines at isang dialysis technician sa bawat isa sa mga provincial hospital.
Magbibigay din ang kumpanya ng mga medikal na suplay para sa nasabing gamutan.
Pumapatak naman na nasa Php1,850 ang halaga ng bawat gamutan.